BUHOL-BUHOL NA SALOOBIN .. SAMU'T-SARING OPINYON ... NAGSASALIMBAYANG KURO-KURO
Saturday, September 26, 2009
Ang Mapanlinlang na si Ondoy
Hindi kami masyadong nabahala kay Ondoy dahil 85 kph lang naman at mababa pa ang level ng tubig sa karatig na ilog. Ipinagmalaki din ng mga barangay officials sa amin na hindi na muli pang babaha dahil may sarili na'ng pumping station ang Taguig.
Kaya naman laking gulat ko nang pagkagising ko kahapon ng 3:00 eh tanungin ako ng kapatid ko, "Alam mo na ba ang nangyayari? Tumingin ka sa labas..."
Kahit nakapantulog, gulo-gulo ang buhok at may bakas pa ng TL, lumabas ako sa terrace at nagulat ako sa eksenang tumambad sa akin.
BAHA??? Hanggang binti sa kalye! Nagkakagulo na pala ang sambayanan nang wala akong kamalay-malay?
Akala ko ba hindi na babaha? Sobrang dami raw ang hatid na ulan ni Ondoy na katumbas ng isang buwang ulan kung kaya't nagpakawala ng tubig ang ilang dam kaya naman ang ilang lugar na di binabaha eh nakatikim ng pagdurusang ilang taon din naming pinagdaanan.
Hay, baha na naman. Sus! Para namang di k'me sanay. Ano pa bang magagawa kundi kumilos, iligtas ang maililigtas at magdasal. K'se naman, mga sampung taon na rin sigurong hindi kami binabaha at kahit ang super typhoon na si Milenyo hindi kami binaha. Isang mahina kunong Ondoy lang pala ang magpapalubog sa amin!
Sa isang banda, masuwerte na rin kami kumpara sa mga na-trap sa bubong na tila mga basang sisiw na walang makain. Wala namang problema sa mga gamit namin k'se sa second floor na kami tumira mula nang taon-taon kaming binaha. Ang malaking problema ay ang mga paninda namin sa tindahan na sa sobrang dami eh hindi mo alam kung saan isasaksak. Heto, masasakit ang katawan ng buong pamilya sa kahahakot ng paninda.
Hay, ang mga kasalaulaang ginagawa ng tao sa Inang Kalikasan, hayan na ang ganti.
Heto ang ilan sa mga larawang kuha ko sa tapat ng bahay namin. Kaya nga ba na-bore ako sa floating market ng Bangkok, ganito lang yun eh:
Binalibag Ni Choleng ng 9:32 AM
at 0 Nagdilim ang Paningin