BUHOL-BUHOL NA SALOOBIN .. SAMU'T-SARING OPINYON ... NAGSASALIMBAYANG KURO-KURO
Wednesday, September 13, 2006
Pag hindi ka nga naman ... kuuuu!!!
Kahit matagal na kaming hiwalay, mahirap pa rin talagang kumawala sa anino ng nasira kong asawa at napagtanto ko rin na kapag ang damuho na ang napapasok sa usapan, umaakyat ang dugo ko sa ulo, nagdidilim ang paningin ko, bumubula ang bibig ko at kumukulo ang dugo ko!
Una ko'ng napatunayan nang mag-request ako ng authenticated birth certificate at marriage contract sa e-Census dahil requirement sa pagpapagawa ng passport.
Natanggap ko naman ang birth certificate pero akalain nyo ba namang ang marriage contract eh nakapangalan sa damuho at hindi ibinigay ng Air 21 sa parents ko kahit may authorization letter pa dahil kailangang yung nakapangalan sa sobre ang mag-receive. Ano namang malay ng askal na yun sa transaksiyones ko?
Nang malaman ko pagkauwi mula trabaho, hindi ko pa naibaba ang gamit ko tinawagan ko na ang e-Census pati ang Air 21. Talagang nanginginig ang boses ko nang tanungin ko sila kung panong nangyaring ang isa sa dalawang dokumento na iisang tao lang ang nag-request eh sa anak ng pitumpu't pitong puting tupa nakapangalan???
Nangako naman sila na aayusin ang gusot at bumalik naman ang Air 21 kinabukasan pero ang Daddy ko, dahil may poot din sa pangalang nasa sobre, sinabihan ba naman ang courier, "D'yan mo i-deliver sa nakapangalan.."
Nangkupo!
Awa ng Diyos, wala pa rin ang marriage contract hanggang ngayon. Pending ang passport application ko.
'Pag hindi ka nga naman nakapagtungayaw!
Talaga yatang sinusubok ako, kanina lang tanong ng interviewer sa akin sa isang position na ina-apply-an ko:
"How does your husband feel about you having a Wednesday-Thursday off?"
Split-second, umakyat ang dugo sa ulo ko pero na-compose ko pa rin ang sarili ko. Nasagot ko pa rin siya ng maikling, "We're separated."
Naku, kailangan na talagang maputol ang anumang koneksiyon ko sa kanya sa lalong madaling panahon kundi magkaka-alta presyon ako!
Pigilan nyo ko!
Binalibag Ni Choleng ng 6:11 AM
at 0 Nagdilim ang Paningin