BUHOL-BUHOL NA SALOOBIN .. SAMU'T-SARING OPINYON ... NAGSASALIMBAYANG KURO-KURO
Tuesday, July 10, 2007
Si Mother talaga!
Ang Mommy ko, mula nang tumuntong ng 60 naging makulit, pasaway at patawa.
Nang minsang kumain kami sa Chowking, pilit iniabot sa akin ang "Postal ID" nya para raw may discount. Taka ako dahil ang alam ko, OSCA or Senior Citizen Card dapat. "Puwede ba to?" untag ko pero tigas sa kasasabing puwede raw. Atubili kong iniabot sa kahera pero isa pang patawa ang kahera, tinanggap naman. Nang makabalik na ako sa table saka pa lang napagtanto ng Mommy ko na "maling" ID ang naabot sa akin. Hay, buti na lang wala rin sa katinuan ang kahera.
Nito lang Linggo, umuwi siya sa isla (tawag namin sa hometown nya dyan sa isla ng Pinagdilawan, sakop ng Binangonan) dahil namatay ang kapatid. Hindi dapat maging comedy dahil namatayan pero umiral na naman ang pagiging patawa ng Nanay ko nung libing. Sukat ba namang mag-high heels eh di bumagal ang lakad eh napasarap pa sa pakikipaghuntahan sa mga kababata habang naglalakad. Ayun, pagdating sa sementeryo, tinatakpan na ng semento ang nitso ng kapatid. Inangkupo!
Kahapon lang, inutusan akong ibili ng gamot sa Mercury Drug. Ibinigay sa akin ang pouch, kumpleto na raw -- OSCA ID, Purchase Booklet, reseta, authorization letter (mga requirement para makakuha ng 20% discount) pati na perang pambili. Nasa botika na ako nang mapansin kong ID pala ng Daddy ko ang naiipit nya sa purchase booklet. Mabuti na lang at di napansin ng pharmacist na mali ang ID siguro dahil na rin sa dami ng mamimili o dahil suki na ako o dahil "mukhang babae" ang Daddy ko sa picture kaya di napansin.
Hay, pag ganyang nakukulitan ako sa Mommy ko iniisip ko na lang ang ilang taong pagtitiis nya sa kakulitan naming magkakapatid.
It's payback time.
Binalibag Ni Choleng ng 6:38 AM
at 0 Nagdilim ang Paningin