BUHOL-BUHOL NA SALOOBIN .. SAMU'T-SARING OPINYON ... NAGSASALIMBAYANG KURO-KURO
Wednesday, April 08, 2009
Think Big
Sa panahong ang salitang recession ay palasak at kaliwa't-kanan ang balitang tanggalan sa trabaho, heto ang Mudra ko at tigas ng kauungot na bumili ng malaking TV na tila ba nagpapabili lang ng lollipop sa tindahan. Hindi lang naman basta malaki ang gusto n'ya kundi 58 inches!
Praktikal akong tao kaya nang malaman ko ang 'maitim na balak,' todo kontra ako. Sabi ko marami pang mas higit na dapat pagkagastusan sa bahay gaya ng gigiray-giray naming dining table, pipilay-pilay na sala set at ang bahay naming tuklap-tuklap ang pintura at pinapapak na ng anay Hindi rin praktikal na bumili pa dahil meron naman kaming napapanoorang TV na maganda rin naman at wala pang 6 na buwang nabibili ng kapatid ko. Sorpresa sana n'ya kay Mudra pero imbes na matuwa ang matanda, lalong nag-igting ang kagustuhang bumili ng malaki dahil "29 inches lang" daw.
Depensa ni Mudra malaking gastos daw ang sinasabi ko at 'buhay pa kaya raw siya' bago mapagawa ang bahay. Mas mabuti'ng mag-enjoy habang buhay pa.
To cut a long story short, natalo ang US sa Iraq, nasunod ang Mommy ko at ako na panay ang kontra, nag-contribute pa sa pambayad. Nag-exceed pa sa expectation ni Mudra dahil imbes na 58 inches, 61 inches ang binili ng kapatid ko.
Nang i-deliver ang TV at nakita ko ang kakaibang sigla at kislap sa mata ng Mom ko, nagbalik sa aking ala-ala ang diskusyon namin ni Girlie. Pagbigyan na raw namin ang matanda dahil malay daw ba namin kung deprived siya sa TV noong bata pa at sumumpa na balang-araw eh magkakaroon ng dambuhang TV. Tama siya, mali ako. Hindi mabibili ng pera ang kaligayahan.
Hmp! Angal pa ako nang angal, 10K lang naman ang chip-in ko!
Binalibag Ni Choleng ng 7:45 AM
at 0 Nagdilim ang Paningin