October 27. Araw ng release ng visa namin ng kapatid ko'ng si Girlie. Mga 6:30 na ako nakarating sa embahada dahil may dinaanan pa ako sa isa naming departamento. Mabuti na lamang at araw rin ng application ng mag-asawang Irish at Yong Revisa, mga taga-APS din, na mas nauna'ng dumating at pinasama na ako sa pila nila. Pa-China rin ang mag-asawa isang linggo matapos namin.
Iba-iba ang style ng mga pumipila sa embassy. May mga pumipila talaga --yung hindi umaalis sa puwesto, tatayo, uupo o sasalampak lang at muling tatayo kapag nainip; merong nag-iiwan ng bag, plastic o grocery bag, o kahit ano'ng pantanda pero pambihira ang marker na sinundan ng backpack ni Yong. Eto ba naman:
|
Binder clip?!? |
Tawanan kami nang tawanan. Makapila lang, kahit kalawanging binder clip ipipila. May natanawan pa nga akong kapirasong papel na may maliliit na bato sa ibabaw. Malas pa, umulan kaya nagsipulasan kami 'ng mga nakapila at sumilong sa may bubong na bahagi ng The World Center. Naiwan sa ulanan ang mga 'pantanda.' Sa awa ng Diyos, mabilis na sumapit ang 8:00 AM at pinapasok na kami.
Ang kapal ng mukha ko, nauna pa ako sa mag-asawa pero sabi ni Irish, okay lang naman daw dahil releasing lang naman ako pero isang maling akala. Araw pala ng releasing kung kaya karamihan ng nakapila eh for release din. Mantakin 'yong pang-20+ ako!!! Pano kung hindi pa ako pinasingit ng mga Revisa?
Dahil nirekisa naming mabuti ni Manager Irish ang requirements n'ya, katulad ko, wala rin syang dialogue sa immigration officer kundi 'Good Morning' at 'Thank You' pero yung kay Yong at sa kasama nila, may hassle -- wala'ng photocopy ng company ID si Yong, wala namang resibo ng Bank Certificate yung kasama nila. Totoo pala na nagkakaproblema kapag may kulang-kulang.
Naibigay naman agad ng dalawa ang kulang kaya iniwan na nila akong nakapila sa Step 3. (Ang Step 1 ay pagbabayad -- tama! magbabayad lang kapag releasing na, P1,400 ang single entry; Step 2 naman ang pagpila ng ayon sa receipt number, Step 3 ang releasing)
'Pag nga naman sinusuwerte, si Binder Guy pala ang nasa unahan ko. Taga-agency ang mokong kaya 3 applications ang ike-claim nya. Ma-chika ang mokong na Robert pala ang pangalan. (ma-chika nga kaya alam ko agad ang pangalan). Nasabi ko sa kanya na tuwang-tuwa kami sa style nya, yung ipinila nya ang binder. Ganun daw talaga ang ginagawa nya sa tagal ba naman n'yang pabalik-balik sa embassy. Hinanap ko ang binder, nasa bag raw nya for future use.
Talagang taong-agency si Robert dahil maboka at mahawak. Sandaling magkausap kami eh natanong na kung saan ako pupunta, kung sino ang kasama ko, saan ako nagtatrabaho at nahawakan agad ang bracelet ko, ang cute daw. Nakakatuwa siyang kausap noong una pero nakakaasiwa noong nagtagal , bigla akong nainip sa bagal ng pag-usad ng pila. Mabuti na lamang at tinawag siya ng isang kasamahan sa agency, pinalitan siya sa pila at siya ang pinapila sa Visa application. Good riddance! Bago umalis, kinuha ang pangalan ko. Dadalaw daw siya sa APS, pakainin ko raw siya. Sa isip-isip ko, ulol ... ngatngatin mo ang binder mo.
Sa wakas, nakuha ko na ang visa. Parang ganito ang hitsura:
Nangangamoy China na. Next task: winter outfit hunting naman. Malamig daw sa China bandang November, mahirap nang doon pa kami abutin ng hypothermia.