BUHOL-BUHOL NA SALOOBIN .. SAMU'T-SARING OPINYON ... NAGSASALIMBAYANG KURO-KURO
Friday, May 28, 2010
10@10
Top 3 with Tin
6:00 PM ang call time para sa 10@10, isang programa bilang pagdiriwang ng ika-sampung taon ng kumpanya at pagtuntong sa ika-10,000 empleyado.
Plantsado na ang kakantahin namin nina Anz at Chie: Piano in the Dark ako, Closer si Anz at Pyramid si Chie -- back-to-back-to-back mala-ASAP. Na-burn na rin ni Idol Roel (Rosquites) ang mga gagamitin naming CD's. Kamalas-malasang malas, kung bakit sa dinami-dami ng araw, ngayon hindi tumunog ang alarm ko at alas-6:00 na ako nagising.
Patay! 5:00 PM pa naman ang usapan namin ni Chie na magkita para mamasilyahan ni Rain (Espenida), ni hindi ako nakapag"painit" ng lalamunan. Tsk ... tsk ... tsk ... hala, paspasang paligo (wala ng hilod!) attakbo na sa beauty parlor na malapit sa amin. Naisip kong magpa-hair and make up na para pagdating ko sa office, salang na lang. Hindi ko talaga araw ngayon. Bigla ba namang umulan at bago ako nakahanap ng taxi, nabasa na ng ulan ang ipinaunat kong buhok. Ayun, nag-fly away ulit.
Haggard!
Awa ng Diyos, medyo na-delay ang programa kaya kahit 7:30 PM na ako nakarating, habol pa rin pero feeling ko hulas na ang make-up ko at mukha na ulit akong pindangga. Kahit si Love Garcia at Rain Espenida, walang nagawa sa naka-fly away kong buhok. Pati buhok ko sobrang nangarag!
Anyway, nagkaroon pala ng pagbabago sa programa. Instead na back-to-back-to-back, isa-isa na lang kaming kakanta. Ayon kay Jayvee, una raw kakanta si Chie, sunod si Anz tapos ako. Ang kaso, nag-inarte ang Chie at nakiusap na huli na lang siya kse wala pa si Jas (Calpito, Aegis Idol 2008), dala raw ang sapatos nya. Sinabi ko kay Anz na siya ang mauna, ayaw din.
Ipagpipilitan ko sana na sundin na lang kung ano yung nasa programa pero napansin kong medyo naaasar na ang punong-abala na si Lennard Q kaya kahit haggard pa ako at feeling ko kaboses ko ang palaka pagbuka ng boses ko dahil ni walang vocalization, sinabi kong ako na lang ang mauuna.
Bahala na kung pumiyok!
Okay naman ang performance kahit halatang hilahod. Kung nakapag-warm up man lang ako ng ngala-ngala o nakatungga ng whiskey pampainit, di medyo maluwag-luwag ang boses ko kaso bagong takas sa kama. Promise, 'pag may kantang tulad nito, 3 alarm na ang ise-set ko para makasigurong magigising ako. Nakakapanginig ng bilbil eh!
Hay, tama na ang kuwento. Nangyari na at sana ay hindi na muling mangyari. Isang maligayang ika-sampung taon sa APS. Ikinararangal kong ang anim sa sampu ay bahagi ako. Oo, isa na akong alamat sa kumpanya.
Bet ko si Crystal dahil di hamak namang magaling ang vocals n'ya kay Lee saka sa tingin ko it's about time na babae naman ang muling maging idol at para maiba naman ang 'kayo' ng boses. Si Lee k'se, parang timbreng David Cook lang.
Iba naman!
Ang kaso, mas malakas ang charisma ng mahiyain at humble na si Lee kaya ayun, lalake na naman ang kampeon.
Kapipili ng kantang hindi lang angkop sa kauna-unahang Open Family House ng APS kundi yung alam naming tatlo nina Chie at Anz at kaya ring kantahin, nauwi kami sa We Are Family.
Oo na. May pagka-corny at i-literal ba namin na may 'family' sa lyrics pero wala na talaga kaming mapiling kantang babagay sa aming tatlo kaya pinagtiyagaan na namin. Maganda din naman ang version.
All Stars Rendition of 'We Are Family'
Saklap, hindi namin gaanong naensayo ang kanta pero ang Concepcion, gahol na nga sa oras, hinila pa kami'ng dalawa ni Anz na samahan ang APS Chorale sa pagkanta ng Lead Me Lord sa opening prayer. Ayun, lalong hindi kami naka-practice. (Sabagay, nag-back up din naman sila sa We Are Family) Kinalabasan, paog-paog na performance. (mabuti na lang hindi ito contest).
Hindi rin kami itinuring na 'family' ng sound system. Hindi na nga gaanong kabisado ang kanta at may-I-silip pa ako sa kodigo, tama ba namang yung mike na napunta sa akin ay nawawala ang tugtog tuwing kakanta ako? KJ!
Hay, semi-disaster pero yan talaga ang resulta pag hindi nagpa-practice. Sana wag nang maulit ang ganitong eksena at masisira ang reputasyon naming tatlo!
Sa mga kapamilyang dumalo sa Open House, nawa'y nag-enjoy kayo sa proyekto ng kumpanya na ipasilip sa inyo kung ano ang buhay ng isang ahente.
Hindi ko sana gustong palampasin ang botohan dahil gusto kong makita ng personal ang kontrobersiyal na PCOs machine at maging bahagi ng kauna-unahang computerized voting sa Pilipinas pero nang malaman kong mahaba ang pila at marami ang tumagaktak ang pawis at nagkandagutom-gutom sa pilahan, minabuti ko'ng huwag na lang. Matutulog na lang ako kaysa uminit ang ulo.
Hustong nakabihis na ako papasok sa trabaho nang pasukin ako sa kuwarto ni Mudra at sinabing maluwag na presinto, pwede na akong bumoto. Sasabihin ko sanang 'huwag na lang at baka ma-late pa ako" pero iginiit na sayang ang boto ko para sa manok n'yang Mayor. Sasamahan raw ako para mabilis.
'The works' ang escort ko papuntang school. 'Di lang Mommy ko ang kasama, pati kapatid at pamangkin ko pa tapos yung presinto namin, watcher pa yung bayaw ko. Talagang bantay-sarado ako.
Mabilis nga naman akong nakaboto pero yung paraan ng pagboto, baka kung sa election hotspot siguro eh naisuplong na kami.
Bakit? Eto k'se yun:
Jenny (nakabantay sa pagsusulat ko):"Tita, tama na ... wag kang mag-o-overvote ..."
Jenny ulit (worried na): "Tita, tama na ... Ah, nag-overvote. Mommy si Tita nag-overvote!"
Silip naman si Mudra (akalain nyo yun?): "Oo nga naman, huwag kang mag-overvote!"
Hanggang pagpunta ko sa PCOs machine, nakabuntot pa rin si Jenny. "Mag-e-error yan ... iluluwa yan" hirit ng bata na para bang alam na alam n'ya ang kalakaran ng eleksiyon.
Awa ng Diyos, di naman iniluwa ng makina ang balota ko pero ang tanong, lulunin kaya ng sambayanan ang mga binoto ko o iluluwa ring pilit gaya ng PCOs?