BUHOL-BUHOL NA SALOOBIN .. SAMU'T-SARING OPINYON ... NAGSASALIMBAYANG KURO-KURO
Friday, November 30, 2007
Pen pen Manila Pen
Hindi lang pala megalomaniac si Trillanes, hotelomaniac pa.
Matapos kubkubin ang Oakwood, Manila Pen naman. Buti ang Oakwood, nagsa-Ascot na ngayon eh paano naman ang Peninsula Manila na isa nang institusyon? Kung bakit sa dinami-dami ng lugar na pagdarausan ng "sumpong," ba't laging hotel? Ayaw maulanan at maalikabukan?
Sowsyal!
Ibang venue naman kaya sa susunod, Trillanes. Biglang-liko kaya?
Salamat sa "sumpong" mo, umuulan na nga, nanghabol at sumabit pa ako sa bus at nakipagpalitan pa ako ng mukha sa Guadalupe makauwi lang.
Hay! Buti na lang hindi ako isa sa 11 milyong boto na ipinagmamalaki mo.
Sayang, cute ka pa naman!
Binalibag Ni Choleng ng 7:59 AM
at 0 Nagdilim ang Paningin
Thursday, November 29, 2007
Road Runner, muntik madapa
Last day ng cutoff, haging pang nabulilyaso ang ikatlong Road Runner ko.
Ang Road Runner ay isang company award kung saan ginagawaran ng sampung libong piso at palakpak mula ulo hanggang paa ang empleyadong walang late at absent sa loob ng isang taon.
Huling araw na ng pasok ko para sa November, sadya kong inagahan ang alis para sure ball na ang award. Maayos naman ang biyahe hanggang makarating ako ng Crossing.
Sa naghihintay na LRT-Ayala bus na bagama't naka-go ang traffic light eh nakatambay pa rin sa kanto ng Edsa-Shaw ako sumakay. Wrong move dahil hindi pa nag-iinit ang puwit ko, heto na ang parak, kinuha ang lisensiya ng driver. Dinig ko binigyan ng singkuwenta kaya kami nakaarangkada pero pagdating ng Boni, nag-cut ang patrol car. Ang lagay eh humabol pala. Bumaba ang kunduktor at kung nagdagdag o "tinuluyan," hindi ko sigurado pero muling tumakbo ang bus.
Sarap batuktukan ng driver. Dami na ngang interruptions, nagmabagal pa. Lahat ng kanto, sinuyod. Naghahapit dahil nakotongan?
15 minutes bago time, nakarating kami ng JG Summit. Kung bakit wala namang sasakay, tumambay pa ang bus at at naghintay ng sasakay.
Terminal???
Ilang pasahero sa bus ang narinig kong nagpapapalatak. Panay na ang padyak ng katabi ko. Nagkalakas ako ng loob na magtaray na hindi ko karaniwang ginagawa sa pampublikong lugar.
"Bagal-bagal!" inis kong bulong na sinadya kong iparinig sa driver na alam kong narinig dahil sumagot.
"Naghahanap-buhay ang tao eh." (Sumagot pa!)
Umakyat ang dugo sa ulo ko, napalakas na ang boses ko.
"Naghahanap-buhay din kami!"
"Hindi kayo dapat dito sumakay kung nagmamadali kayo," (sumagot pa ulit!)
"Ang dami na nating interruptions, nahuli na kayo, ang bagal-bagal nyo pa. Ang dami ko ng bus na nasakyan, hindi ganito."
"Asus!" sabi ng driver.
Hindi na ako sumagot dahil pinaandar na ng driver ang bus at tila binilisan dahil ilang sandali lang eh narating namin ang RCBC. Walang lingon-likod, nakasimangot akong bumaba at pinigilan ang sariling duraan ang driver. (Jesus, ni hindi ko alam ang itsura ng driver!)
5:55 AM nag-in ako.
Pasok!
Binalibag Ni Choleng ng 5:44 AM
at 0 Nagdilim ang Paningin
Saturday, November 24, 2007
Blow out ba kamo? Eto!
May hang-over pa ako ng birthday ko kaya sinipag akong magluto.
Pancit
Dapat pag birthday meron nito for long life. Hindi ako ipinag-pancit kahapon kaya ipinagluto ko ang sarili ko.
Sinamahan ko pa ng Menudo para festive!
Sa mga hindi nakatikim ng birthday treat ko, para sa inyo to.
Kain na!
Binalibag Ni Choleng ng 5:10 AM
at 0 Nagdilim ang Paningin
Friday, November 23, 2007
Birthday Rampa
Di tulad ng nakaraan kong birthday celebration, extended ang rampa ng pamilya sa Megamall. Dami ng "side trip" -- Bayad Center, Octagon, shopping -- napasabak tuloy sa kalalakad ang ang Mommy at Daddy ko. Bldg A to Bldg B and vice versa. Kumusta naman ang balakang ng mga senior!
Sa Chowking dapat magme-meryenda pero sa sakit ng paa (at balakang) ng mga oldies at panay na ang angal ng "prinsisa" (Jenny) na gutom na siya sa pinakamalapit na kainan kami bumagsak.
Jollibee.
Nang mabusog, sinimulan na ang "Family Strike."
Mga eksena:
Teejay - Tuwang-tuwa matapos maka-strike sa kauna-unahang pagkakataon.
Mom - Magbasa ba ng pocketbook!
Jenny - nasita ng bowling attendant. Ginawa kseng playground ang bowling lane. Hala, iyak!
Hindi maganda ang laro ko at magagaling ang kalaban (nagpaulan ng strike si Daddy at bro-in-law Tomas) pero salamat sa ganting strike ng team mates Hajii and Ellen, panalo kami.
Final score - 344-347.
Pagkabowling, balik sa Mall para mag-ikot-ikot. Bandang 9:00 PM, gutom na ulit ang mga inakay. Manok naman ni Mang Max's ang tinira namin (manok na naman!)
Last stop, mannequin show sa Greenhills. 10:15 PM kami dumating pero 11:00 pa raw ang sisimulan ang palabas dahil may band contest. Naghintay pa kami. Nagpaikot-ikot sa tiyangge, nagpapawis at nagpahilo.
11:00 PM, sinimulan nga ang mannequin show. Nagandahan ang mga bata pati Mom ko pero sa palagay ko, hindi sulit ang paghihintay.
American ang konsepto at tulad ng nakaraang taon, sapilitan na namang ikinonekta ang plot sa Pasko. May snow, may karwahe, isang babaeng nanaginip na nakita si Nutcracker, na-meet si Prince Charming at sumakay sa "swan cart." Maganda lang talaga ang mga mannequin lalong-lalo na yung eksenang "sumakay" ang bida at ang prinsipe sa swan cart. Suwabe!
Pasado 12:00 na kami nakauwi ng bahay. Hindi ko na nga namalayang nakarating na kami dahil nakatulog ako sa sasakyan.
May awa ang Diyos, sana "perfect attendance" ulit ang pamilya next year. Wala nang mas magandang birthday gift kundi ang makitang kumpleto at masaya ang pamilya.
Binalibag Ni Choleng ng 4:34 AM
at 0 Nagdilim ang Paningin
Thursday, November 22, 2007
Life begins ...
Isang munting McDo party ang naganap kanina upang ipagdiwang ang pag="reset" ng edad ko.
L: Table for Two R: Mapapasalampak ka sa sarap!
Gift for me - pagkasarap-sarap na Max's cake at sintunadong "Happy Birthday to you."
Apat na candle. Thanks for rubbing it in, All Stars!!!
Agaw-eksena:
Who u?
JuicePogi at his finest
Isang hindi malilimutang araw.
Salamat!
Binalibag Ni Choleng ng 7:35 AM
at 0 Nagdilim ang Paningin
Monday, November 19, 2007
Nakakaihit na hirit
Kung sa JG may eRAT, sa PSC may eANT.
Ilang araw pa lang kaming nakakalipat sa PSC, agaw-pansin agad ang bangis ng mga langgam. As in mailapag mo lang saglit ang pagkain, ayan na agad sila at nagko-conference. Isang lugar lang ang hindi nila mapuntahan.
Ang fish bowl.
Taka kayo kung ano'ng ginagawa ng fish bowl. Actually, multi-purpose siya. Hindi lang pang-isda, pang-raffle pa. Ngayon lalagyan din ng pagkain.
Mabalik ako. Eh bakit nga ba hindi makaakyat ang langgam sa fish bowl? Dahil ba sa nadudulas sila? Hindi raw sabi ng isang patawa dito. Nahihiya lang daw makita.
Kagawad!
******************
Noypi: Pilipino ka ba?
Pudel: No, Sir.
Hindi nga.
Binalibag Ni Choleng ng 5:31 AM
at 0 Nagdilim ang Paningin
Saturday, November 17, 2007
Baka naman sabihin nyo ...
Mula sa archive ...
Yan ang portable tissue. The best sa may runny nose.
Binalibag Ni Choleng ng 5:51 AM
at 0 Nagdilim ang Paningin
Saturday, November 10, 2007
2 in 1 sa Montalban
Advance birthday celebration ni Toyang at super duper advance birthday celebration ko naman sa bahay ni Kuya (Kiko) sa Montalban.
As usual, bumaha ng pagkain, chikahan at kulitan. Champion ang kare-kare, igado, pancit canton ni Big Brother. Syempre meron ding ice cream at cake pampaalis ng "full tank."
Gift giving.
As usual, punong-abala ang official Kuyog shopper, Ella (eh-eh-eh). Surprised na surprised kami sa gift ... sobra!!!
Kawali for Toyang, HP6 para sa akin.
Salamat Kuyog!
Next year, Harry Potter 7 naman ha!
Binalibag Ni Choleng ng 8:32 AM
at 0 Nagdilim ang Paningin
Friday, November 09, 2007
Takaw tulog
Napaaga kami ni Mudra sa appointment sa Smart kaya tumambay muna kami sa PSC.
Akalain yong dito pa dumayo ng tulog!
At home!
Binalibag Ni Choleng ng 8:26 AM
at 0 Nagdilim ang Paningin
Thursday, November 08, 2007
Paalam, Kangadog
Nagnaknak ang gums nung October pero nakabawi. This time, matapos ng 11 months naming pagkandili kay Nino, tuluyan na kaming iniwan ng Kangadog.
Nagsimulang hindi nakakain si Nino nung November 1. Akala namin nagkaproblema na naman ang gums kaya ayaw kumain pero iba pala. Tinubuan ng maliliit na bukol sa katawan at ilang araw bago namatay eh kulay itim ang dumi.
Bandang hapon, isang text message ang natanggap ko mula sa Daddy ko.
"Nino's dead ..."
Kaninang umaga lang bago ako pumasok, nanghihina pang kinawagan ako ng buntot ... ngayon ...
Gusto kong maiyak pero nakapagpigil ako. Nasa opisina ako, dyahe namang magngangalngal dahil sa aso. Aba, kahit kakaiba ang breed ni Nino at sabi nga ng iba eh ang pangit-pangit naman, napamahal na rin sa amin ang aso.
Pag-uwi ko, maayos naman ang burol. Nakabalot sa sako. Marangal din ang libing, truck ng basura ang karo. Opo, ibinigay sa basurero ang sako kung saan nakasilid ang aso. Nauunawaan naman siguro ni Nino kung bakit ganun ang ginawa sa kanya. Walang kseng lupang mapaglilibingan, alangan namang ihagis siya sa ilog.
Hay, hindi muna kami mag-aalaga ng aso. Ipagluluksa muna namin ang pagkawala ng Kangadog.
Binalibag Ni Choleng ng 6:35 AM
at 0 Nagdilim ang Paningin