<body bgcolor="#ffffff" text="#464646" link="#999999" vlink="#999999"><script type="text/javascript"> function setAttributeOnload(object, attribute, val) { if(window.addEventListener) { window.addEventListener('load', function(){ object[attribute] = val; }, false); } else { window.attachEvent('onload', function(){ object[attribute] = val; }); } } </script> <div id="navbar-iframe-container"></div> <script type="text/javascript" src="https://apis.google.com/js/platform.js"></script> <script type="text/javascript"> gapi.load("gapi.iframes:gapi.iframes.style.bubble", function() { if (gapi.iframes && gapi.iframes.getContext) { gapi.iframes.getContext().openChild({ url: 'https://www.blogger.com/navbar.g?targetBlogID\x3d10718926\x26blogName\x3dThe+JAYNA+Monologues\x26publishMode\x3dPUBLISH_MODE_BLOGSPOT\x26navbarType\x3dBLUE\x26layoutType\x3dCLASSIC\x26searchRoot\x3dhttps://thejaynamonologues.blogspot.com/search\x26blogLocale\x3den_US\x26v\x3d2\x26homepageUrl\x3dhttp://thejaynamonologues.blogspot.com/\x26vt\x3d-5928529255510825873', where: document.getElementById("navbar-iframe-container"), id: "navbar-iframe", messageHandlersFilter: gapi.iframes.CROSS_ORIGIN_IFRAMES_FILTER, messageHandlers: { 'blogger-ping': function() {} } }); } }); </script>
THE JAYNA MONOLOGUES
BUHOL-BUHOL NA SALOOBIN .. SAMU'T-SARING OPINYON ... NAGSASALIMBAYANG KURO-KURO



Friday, October 28, 2011

Visa, mga Revisa at si Binder guy
October 27.  Araw ng release ng visa namin ng kapatid ko'ng si Girlie.  Mga 6:30 na ako nakarating sa embahada dahil may dinaanan pa ako sa isa naming departamento.  Mabuti na lamang at araw rin ng application ng mag-asawang Irish at Yong Revisa, mga taga-APS din, na mas nauna'ng dumating at pinasama na ako sa pila nila.  Pa-China rin ang mag-asawa isang linggo matapos namin.

Iba-iba ang style ng mga pumipila sa embassy.  May mga pumipila talaga --yung hindi umaalis sa puwesto, tatayo, uupo o sasalampak lang at muling tatayo kapag nainip; merong nag-iiwan ng bag, plastic o grocery bag, o kahit ano'ng pantanda pero pambihira ang marker na sinundan ng backpack ni Yong.  Eto ba naman:

Binder clip?!?

Tawanan kami nang tawanan.  Makapila lang, kahit kalawanging binder clip ipipila.  May natanawan pa nga akong kapirasong papel na may maliliit na bato sa ibabaw.  Malas pa, umulan kaya nagsipulasan kami 'ng mga nakapila at sumilong sa may bubong na bahagi ng The World Center.  Naiwan sa ulanan ang mga 'pantanda.'  Sa awa ng Diyos, mabilis na sumapit ang 8:00 AM at pinapasok na kami.

Ang kapal ng mukha ko, nauna pa ako sa mag-asawa pero sabi ni Irish, okay lang naman daw dahil releasing lang naman ako pero isang maling akala.  Araw pala ng releasing kung kaya karamihan ng nakapila eh for release din.  Mantakin 'yong pang-20+ ako!!!  Pano kung hindi pa ako pinasingit ng mga Revisa?

Dahil nirekisa naming mabuti ni Manager Irish ang requirements n'ya, katulad ko, wala rin syang dialogue  sa immigration officer kundi 'Good Morning' at 'Thank You' pero yung kay Yong at sa kasama nila, may hassle -- wala'ng photocopy ng company ID si Yong, wala namang resibo ng Bank Certificate yung kasama nila.  Totoo pala na nagkakaproblema kapag may kulang-kulang.

Naibigay naman agad ng dalawa ang kulang kaya iniwan na nila akong nakapila sa Step 3. (Ang Step 1 ay pagbabayad -- tama!  magbabayad lang kapag releasing na, P1,400 ang single entry;  Step 2 naman ang pagpila ng ayon sa receipt number, Step 3 ang releasing)

'Pag nga naman sinusuwerte, si Binder Guy pala ang nasa unahan ko.  Taga-agency ang mokong kaya 3 applications ang ike-claim nya.  Ma-chika ang mokong na Robert pala ang pangalan.  (ma-chika nga kaya alam ko agad ang pangalan).  Nasabi ko sa kanya na tuwang-tuwa kami sa style nya, yung ipinila nya ang binder.  Ganun daw talaga ang ginagawa nya sa tagal ba naman n'yang pabalik-balik sa embassy.  Hinanap ko ang binder, nasa bag raw nya for future use.

Talagang taong-agency si Robert dahil maboka at mahawak.  Sandaling magkausap kami eh natanong na kung saan ako pupunta, kung sino ang kasama ko, saan ako nagtatrabaho at nahawakan agad ang bracelet ko, ang cute daw.  Nakakatuwa siyang kausap noong una pero nakakaasiwa noong nagtagal , bigla akong nainip sa bagal ng pag-usad ng pila.  Mabuti na lamang at tinawag siya ng isang kasamahan sa agency, pinalitan siya sa pila at siya ang pinapila sa Visa applicationGood riddance!  Bago umalis, kinuha ang pangalan ko.  Dadalaw daw siya sa APS, pakainin ko raw siya.  Sa isip-isip ko, ulol ... ngatngatin mo ang binder mo.

Sa wakas, nakuha ko na ang visa.  Parang ganito ang hitsura:


Nangangamoy China na.  Next task:  winter outfit hunting naman.  Malamig daw sa China bandang November, mahirap nang doon pa kami abutin ng hypothermia.

Binalibag Ni Choleng ng 12:49 PM at 0 Nagdilim ang Paningin



Monday, October 24, 2011

Sa Embahada ng Mga Singkit
Tama si ka-Idol na Roel.  Kailangan 6:00 AM pa lang nasa Chinese Embassy ka na dahil pagdating ko ng 6:15, marami na agad nakapila at sa tantiya ko ay pang-20 ako.  Mahigit isang oras at kalahati rin ang paghihintay bago kami pinaakyat (8:00 AM pala talaga nagpapapasok, nasa second floor ang embahada sa The World Center building) pero di naman nakakainip dahil bukod sa friendly si Mang Jorge na nasa harapan ko at perky-perky naman si Sister Gene sa likuran ko, high speed pa ang wifi courtesy of Mapua na nasa tapat lang ng embahada. 

May kahigpitan ang seguridad bago ka makapasok.  May dadaanan kang sensor na katulad ng nasa airport kapag magtse-check-in, rerekisahin ng guwardiya ang bag mo at saka ka pa bibigyan ng numero ng babae'ng nasa katapat na counter.
Bagama't nakapasok na, isang oras pa rin ang paghihintay dahil 9:00 talaga ang simula ng mga transaksiyon.   Okay lang naman dahil at least, nakaupo ka at may oras ka'ng rebisahin ang application form. Saktong 9:00 AM, nabuhay ang ilaw ng counters at nagbukas ang mga bintana.  Hindi naman pala ako pang-20 katulad ng inakala ko kundi pang-12.  Mga alalay lang pala ng ibang applicants yung nabilang ko.  Pampararams.  Sa Window 2 ako naka-assign pero yung lalake sa Window 1 ang umasikaso sa akin.   Kapag pala lumitaw ang numero mo, kung saan ang bakanteng bintana, doon ka.


Kapag pala kumpleto ang requirements, mabilis lang ang proseso at wala kang gaanong dialogue.  Isa-isa lang tiningnan ang mga dokumento namin ni Girlie at ang tanging tanong lang eh kung single entry kami.  Sinabi ko na ang tour namin eh Shanghai-Beijing"Ah, single entry," ang sabi sabay pakahig na sumulat sa maliit na papel na pick-up form pala at iniabot sa akin.

Parang hindi pa ako makapaniwalang tapos na.  Tanong ko, "okay na ako?"

"Balik na lang po kayo sa 27," sagot ni Window 1 guy.

Anak ng ... halos tatlong oras akong naghintay tapos wala pang 20 minutos ang transaksiyon?  Kaloka!

Anyway, ang mahalaga pasok sa banga ang visa namin.  Sure na ang rampa namin sa November 5.

Shanghai, Beijing ... eto na kamiiiii!!!

Binalibag Ni Choleng ng 12:49 PM at 0 Nagdilim ang Paningin



Saturday, October 22, 2011

Silang tumatahol na walang buntot
Normal nang personalidad sa isang isang jeepney, bus o tricycle terminal ang isang barker na para sa mga hindi nakakaalam ay siyang taga-tawag ng pasahero, taga-announce kung ano ang ruta at kung ilan pa ang kulang.  Ang hindi ko maintindihan, bakit kailangang magka-barker sa lugar na sadyang sakayan at ang nakakabuwisit, dumarami pa sila.

Para lang kseng mga tanga na ginagawang tanga ang mga pasahero.  Isipin nyo ... Loading/unloading nga ... ibig sabihin sakayan kaya hindi na kailangan pang isigaw kung ano ang ruta dahil marunong naman kaming magbasa ng karatula at huwag na sanang mag-effort pang magpakalagot ng ngala-ngala dahil  sasakay naman kami'ng talaga.  Hindi na rin kailangang ituro kung saan kami uupo.  Alam na namin yun!

Yung ibang barker, ang aangas pa na akala mo pag-aari nila ang sakayan at kung makakatok at makasahod ng kamay sa driver para hingin ang β€œbayad,” akala mo obligasyon ng driver na bayaran sila sa tuwing may sasakay.  Bagama't barya-barya lang yun, sa dinami-dami ng babaan, malaki rin ang nawawala sa driver.  

Kahit wala'ng barker, makakasakay pa rin kami.

Hindi ko masikmura ang kakapalan ng mukha ng mga barker d'yan sa Kalayaan lalong-lalo na sa C5 papuntang Buting pero pati ba naman ang dating tahimik na tawiran dyan sa tapat ng PhilPlans (Total) eh may barker na rin?

Utang na loob, lubayan na sana ang mga kaaawa-awa'ng driver dahil nagtatrabaho ng marangal ang mga yan, nagbabanat din ng buto at nagpapatulo ng pawis.  Alam n'yo yun?

Lamunin sana ng lupang tinatapakan ang di nakakaintindi.

Binalibag Ni Choleng ng 10:44 AM at 0 Nagdilim ang Paningin



Thursday, October 20, 2011

Salamat, Hepe!
Salamat sa tulong ng NBI Chief ng Mandaluyong, nakuha ko ang clearance sa loob ng isang linggo imbes na 12 working days.

Maraming salamat, Chief Dominador Catbagan pero pangarap ko pa ring umunlad ang sistema  at maiwasan na ang "hit" para naman hindi parusa ang pagkuha ng clearance at maginhawa ang buhay nating lahat.


Hindi nakakatuwa yung nagbayad ka na nga eh pinaparusahan ka pa'ng tila kriminal.


Over!!!

Binalibag Ni Choleng ng 12:51 PM at 0 Nagdilim ang Paningin



Thursday, October 13, 2011

Isang gabi sa van
Dalawang oras lang ang tulog ko gawa ng nakakatuyo ng dugo'ng NBI.  Plano ko sana'ng mag-leave o kahit mag-halfday man lang para makabawi ng lakas pero dahil wala nga akong cover saka kawawa naman ang team mates ko, pumasok pa rin ako.

Tila ako manok na tutuka-tuka sa sasakyan.  Talagang pagkasakay ng jeep, tulog.  Baba.  Tulog ulit sa FX ... este van papuntang Ayala.  Sarap ng tulog ko ng maramdaman ko'ng parang nabasa ang bandang dibdib ko.
Anak ng ... tumulo na pala ang laway ko sa sobrang sarap ng tulog!.

Buti na lang, madilim sa van kaya walang nakapansin sa nangyari (wala nga ba?) at pasimple kong napunasan ang mamasa-masa ko'ng bibig pati ang napatakang dibdib.

Eeeeew!!!

Binalibag Ni Choleng ng 7:06 AM at 0 Nagdilim ang Paningin



Wednesday, October 12, 2011

PI na NBI
Pagod, puyat, gutom at sama ng loob.  Yan ang naranasan ko sa pagkuha ng clearance sa NBI. 

Effort na nga sa paghahanap ng satellite office na pupuntahan, pagod at puyat pa sa paghihintay.  Balewala na kung pumila ako mula 7am hanggang 2 PM straight from work pero sana naman, nakuha ko ang clearance pero hindi.  For the nth time, may β€œhit” ako at ang pinakamasaklap, makukuha ko pa siya matapos ang 12 working days.

Oo na, common nga ang pangalang Gina Cruz pero imposibleng Lizertiguez din ang middle name ng hinayupak na kriminal na yan?   Ano pa ang silbi ng paglagay ng kumpletong pangalan at apelyido, edad, address pati kulay ng balat, pangalan ng asawa, ama at ina sa application form kung sa simpleng kapangalan eh maghihintay ka pa?

Umalma talaga ako sa mama'ng nakatoka sa biometrics.  Sinabi kong hindi kakayanin ang 12 working days dahil mag-a-apply na kami ng visa para sa biyahe namin sa China sa October 20.  Makiusap daw ako kay hepe.  Hindi ko ugali'ng makiusap pero dahil desperado na ako, hinarap ko ang hepe.

Hepe pala yung lalakeng nakita naming nag-aayos ng pila at nagbibigay ng lecture sa paglalagay ng tamang impormasyon sa application form.  Maayos namang kausap si hepe na ayaw sabihin ang pangalan, napahinuhod ko na ma-release ang clearance matapos ang isang linggo kaso medyo mapagbiro dahil pagbalik ko raw pakakasalan ko raw siya.

'To namang si hepe, amoy lupa na nga eh nakuha pang magbiro ng ganun.

Siguro gusto lang akong patawanin ng hepe dahil nakita nya ang tindi ng pangangailangan ko base sa mangiyak-ngiyak kong pananalita pero pangarap ko lang talaga, maging maayos na ang pagkuha ng clearance sa NBI.  Ma-upgrade sana ang system para hindi yung may kapangalan ka lang eh maaabala ka na.

Sabi ni hepe ngayong bago na ang sistema nila (take note, hindi ka na sa tinta magpi-piano, electronic na ang pagkuha ng fingerprint) pero sana nga totoo ang sinasabi n'ya dahil sa panahong maunlad na ang teknolohiya, hindi na dapat maging kumplikado ang lahat.

Diyos ko, ano bang klaseng bansa itong kinalalagyan ko!

Binalibag Ni Choleng ng 2:57 PM at 0 Nagdilim ang Paningin



Sunday, October 09, 2011

Isa namang kuwentong FX ... este, Adventure
Ewan ko nga ba kung bakit may kinalaman sa FX at "malusog" ang posts ko lately pero heto may bago na namang naganap kanina lang sa Megamall terminal.

This time, sa gitna ng FX ako nakapuwesto at may isang becky'ng biik na nagpumilit pumang-apat.  Oo, biik k'se malusog lang naman.  Tawagin na lang natin siyang Beckylet, pinaghalong becky at piglet, para masaya.

"Kuya, pausog," sabi sa katabi ko ni Beckylet dahil ayaw talagang sumara ng pinto dahil nakabalagbag ang kalamnan n'ya eh sumagot ang "kuya" na mas bata pa sa piglet.  "Wala na eh, todo na."

So umandar na ang FX na tila sardinas kaming apat sa gitna (medyo malusog rin kse ung nasa kaliwa ko.  Oo, sila na ang malusog, slim ako!) pero mabuti na lang at may bumaba sa Pineda, pinalipat ng driver sa harapan si Beckylet.

"Talaga, Kuya?"  Okay lang?  (pa-cute pa si Beckylet) Lumipat sa harapan ang friendly becks, friendly dahil nakipagchika-chika sa driver, tinanong kung Adventure daw ba yung sasakyan, na sana raw marunong siyang mag-drive ... kung ano'ng oras na.

"Oissssh ..." sitsit ni Beckylet pagdating ng Total sa Bagong Ilog.  "Dito na lang po, Manong.  Salamat po sa pagpapalipat nyo sa akin dito sa harapan.  God Bless!" 

Okay na sana, nakakatuwa ang eksena k'se sobra'ng appreciative ang bakla kaso pagbaba ng FX ... este Adventure pala, iniwan ba namang bukas ang pinto!

Nyeeh!  Malakas kong nabanggit.  Napapailing na sinara ng driver ang pinto.

Nakakaloka!!!  Ano kaya ang drama ni Beckylet?  Di kaya n'ya alam na kailangang isara ang pinto pag bababa ng sasakyan.  Ano'ng akala nya sa sinakyan n'ya karetela???

Binalibag Ni Choleng ng 7:32 AM at 0 Nagdilim ang Paningin



Friday, October 07, 2011

Ay, cookie!!!
Mag-isa lang ako sa likuran ng FX kaya kampanteng inilapag ko sa  bakanteng espasyo sa tabi ko ang in-order kong butter cookies. Bandang Valero, may lalakeng pumara. Majuba, dambuhala, biggest loser material.  Dahil nga mega super duper Triple XXXL, inakala ko'ng sa bakanteng upuan sa tapat ko siya uupo pero hindi.!  Pumorma ng upo sa tabi ko.

Whew, muntik nang maupuan ang butter cookies ko ng elepante (excuse the word pero ganun talaga siya kalaki)!  Buti na lang, mabilis ang kamay ko kaya agad kong nasikwat ang kahabag-habag na cookie bago pa mag-landing ang wetpu ng dambuhala ... este ng mama at gawing polvoron ang biskuwit.

Whew!  That was close! 

Dapat kse kapag malaki titingnan muna ang uupuan.  Eh kung may pusa pala eh di siopao material ang kalalabasan?

Tsk ... tsk ... tsk ...

Binalibag Ni Choleng ng 12:43 PM at 0 Nagdilim ang Paningin

 

Web Counter
Na ang Napautot and Still Counting

www.thejaynamonologues.blogspot.com